Payo ng eksperto: Ultra Lotto winner, dapat magkaroon ng 'financial goals'
MAYNILA - Matapos mamigay ng balato, ano nga ba ang dapat na gawin ng nanalo sa Ultra Lotto sa kaniyang napanalunan?
Ayon sa financial analyst na si Astro del Castillo, hindi naman maiiwasan ang pamimigay ng balato sa mga kaibigan at kakilala, lalo na sa mga probinsiya.
Ngunit mas mainam umano na huwag masyadong ipaalam ng isang tao na siya ang nanalo sa lotto.
"Huwag siyang maging maluho agad at huwag niyang masyadong i-announce na siya ang nanalo," ani Del Castillo.
Payo rin niya na mag-enroll sa mga financial literacy classes ang nasabing nanalo sa Ultra Lotto para mas mapalago niya ang kaniyang napanalunan.
"Madaling kumita ng malaki pero mahirap po talagang i-preserve, i-maintain 'yung ganoong kalaking pera," ani Del Castillo.
"Sana magkaroon siya ng attitude na investment goal, financial goal every year para alam niya kung ano 'yung gagastusin... At the end of the day, kailangan niya i-educate ang sarili niya," dagdag pa niya.
Bagama't wala namang mali sa pamimigay ng balato, mahalaga rin umanong siguruhin ng nanalo sa Ultra Lotto ang seguridad niya at ng kaniyang pamilya. Maari umano itong bumili ng bahay na malayo sa kaniyang kasalukuyang tirahan, at siguruhing may sapat na seguridad ang kaniyang bahay, lalo na't marami nang nakakaalam sa kaniyang identidad.
Ayon pa kay Del Castillo, may mga financial advisers na katulad niya na makakatulong sa pagsasaayos ng paggastos ng pera. Hindi rin umano sila naniningil ng bayad para sa kanilang tulong.
"Kailangan talagang pag-isipan 'yang perang 'yan. 'Wag siyang magastos. Keep your feet on the ground," payo niya.
Nauna nang inamin ng alkalde ng Borongan City na isa siya sa mga nabigyan ng maagang pamasko ng kabayang nanalo ng halos kalahating bilyon sa 6/58 Ultra Lotto jackpot.
Aabot umano sa mahigit P5 milyon ang halaga na ipinamahagi ng nanalo sa lotto para sa mga empleyado ng city hall ng Borongan City.
Bukod sa kanila, mamimigay rin ng tig-P5,000 ang nanalo sa kaniyang mga kasamahang tricycle driver, maging sa kaniyang mga ka-barangay.
Source: ABS CBN
Comments
Post a Comment